
Sang-ayon si Senator Joel Villanueva sa posisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na paghandaan ng bansa ang posibilidad na lusubin ng China ang Taiwan.
Ayon kay Villanueva, tiwala siya na handa ang hukbong sandatahan ng bansa na depensahan ang ating teritoryo anuman ang sitwasyon.
Sinabi ng senador na umaayon siya kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner at sa better judgement nito bilang pinuno ng armed forces na ang mandato ay protektahan ang mamamayan at ang estado.
Marapat lamang na palaging unahin ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino lalo na ang mga nasa Taiwan na posibleng maapektuhan ng pinangangambahang pagsakop ng China.
Nanawagan din si Villanueva sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na palaging maging handa at maging proactive para tulungan ang mga kababayang nasa Taiwan.
Mayroon aniyang AKSYON fund sa ilalim ng DMW na maaaring gamitin sakaling kailanganing magsagawa ng emergency repatriation.