Welcome para kina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Francis “Kiko” Pangilinan ang pagbibitiw ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Ayon kay Lacson, nang mag-courtesy call sa kanyang tanggapan noong nakaraang buwan si Parlade ay ipinaalam na nito ang hinggil sa kanyang resignation letter.
Sabi ni Lacson, nauunawaan ng Senado ang matinding hangarin ni Parlade na wakasan ang matagal nang problema sa insurgency ng Pilipinas.
Pero giit ni Lacson, pinanindigan lang ng Senado na labag sa Konstitusyon ang pagtatalaga kay Parlade sa isang civilian position habang ito ay nasa aktibong serbisyo pa sa militar.
Naniniwala naman si Senator Pangilinan na dahil sa pagbibitiw ni Parlade ay maiiwasan na muling malagay sa alanganin ang buong Armed Forces of the Philippines (AFP).
Para kay Pangilinan, ang pag-alis ni Parlade sa NTF-ELCAC ay nagpapakita na ang AFP ay isang professional organization, rumirespeto at sumusunod sa Konstitusyon at rule of law.