Pinuna ni Senator Raffy Tulfo ang pagtaas ng bilang ng mga empleyadong nahihirapan sa pag-claim ng perang kanilang dapat na makukuha sa mga kasong naipanalo laban sa mga mapang-abusong employers.
Sa privilege speech ni Tulfo, tinukoy nito ang kaso ng 20 manggagawa na hirap makasingil sa naipanalong kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) kung saan kinamatayan na ito ng siyam sa mga myembro at hindi na naabutan ang bayad pinsala na dapat sana’y kanilang makukuha.
Sinita ng senador ang tila hindi pantay na pagpapatupad ng batas at hustisya sa pagitan ng mga abusadong employers at mga naabusong employees.
Inirerekomenda ni Tulfo na sa Single-Entry Approach o SENA na unang proseso para pagkasunduin ang dalawang panig ay dapat mga non-lawyers ang haharap at mayroong mahigpit na guidelines para matukoy ang mga hindi makatwirang settlements ng mga employers sa mga naagrabyadong manggagawa.
Maghahain din si Tulfo ng panukala para sa pag-garnish ng mga ari-arian ng employer para pagdating sa Labor Arbiter Level ay tiyak na may mahahabol ang mga empleyado at hindi matatakasan sa dapat na kabayarang ibibigay sa mga nanalong manggagawa.
Sakali namang hindi humarap ang employer-party sa execution conference, panukala ni Tulfo na ang officers at directors ng kumpanya ang mananagot sa judgment award.