Ilang senador, sumama ang loob matapos isantabi sa caucus ang apela na dagdagan ang budget ng OVP — Sen. Marcos

Inamin ni Senator Imee Marcos na sumama ang loob ng halos isang dosenang senador matapos na isantabi ang kanilang apela na dagdagan ang budget ng Office of the Vice President (OVP) sa isinagawang caucus ng Senado.

Pinangalanan ni Marcos sina Senators Bato dela Rosa, Bong Go, at Robin Padilla na kasama sa mga senador na nagtaas ng kamay nang matanong kung sino ang sang-ayon na dagdagan ang pondo ng OVP.

Magkagayunman, binalewala naman ang pagtataas nila ng kamay sa katwirang hindi naman umano humingi ng dagdag na pondo si VP Sara Duterte.


Kinontra din ni Sen. Marcos ang naunang pahayag ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na makapag-o-operate pa rin ang OVP sa pondong ₱733 million.

Giit ng senadora, marami ang masisisante sa trabaho kapag hindi nadagdagan ang naturang budget kaya sana mapagbigyan pa ang nais ng ilang mambabatas.

Sinabi pa ni Marcos na posibleng hindi na humirit ng dagdag na pondo si Duterte sa pagsalang ng budget sa bicameral conference committee lalo’t bugbog na bugbog na ito ng Kamara.

Facebook Comments