Suportado ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian ang agresibong hakbang ng Department of Education (DepEd) na maibalik agad sa susunod na taon sa dating school calendar ang pasukan sa mga paaralan.
Ayon kay Gatchalian, sinusuportahan niya ang “aggressive option” ng DepEd na tapusin na sa March 2025 ang school year 2024-2025 dahil na rin sa uncertainty o kawalang katiyakan sa klima ng bansa.
Ang tanging sigurado lamang aniya ay palaging sa mga buwan ng Marso hanggang Mayo tatapat ang summer season o pinakamainit na mga buwan sa buong taon.
Magkagayunman, ito aniya ang option na hindi pwedeng walang masasakripisyo tulad ng pagbabawas sa araw ng klase at dagdag na araw naman para makumpleto ang mga leksyon na kinakailangang maituro sa mga estudyante.
Mangangahulugan aniya ito ng isang taong sakripisyo para mabilis na maibalik sa dating academic calendar ang lahat ng mga paaralan sa bansa.