Suportado ng ilang mga senador ang mungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na repasuhin ang Free Tertiary Education Program ng pamahalaan kung saan ipaprayoridad ang deserving students upang maiwasan ang pagtaas ng dropout rate at matiyak ang efficiency ng programa.
Naunang inihayag ni Diokno na ang pagbibigay ng libreng matrikula para sa lahat ng mga mag-aaral sa mga unibersidad at kolehiyong pinatatakbo ng pamahalaan ay hindi wais na desisyon dahil maraming estudyante ang hindi committed sa kanilang pag-aaral at malaking pondo ng gobyerno ang nasasayang dahil dito.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara, sang-ayon siyang i-review ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law kung saan ang mga estudyante mula sa mayayamang pamilya ay dapat na magbayad ng kanilang matrikula.
Iginiit pa ni Angara na ang mga multi-millionaire na pamilya ay dapat na magbayad ng tuition fee upang sa gayon ay mas dumami pa ang resources para masuportahan ang mga mahihirap na pamilya at kanilang mag-aaral.
Kinatigan din ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Diokno at sinabing may punto ang kalihim.
Aniya, ang free college education ay dapat maibigay sa mga mag-aaral na gusto talagang mag-kolehiyo, may kakayahang mag-aral ng kolehiyo at kayang makapag-secure ng competitive slot sa college sa pamamagitan ng pagsusulit.
Sa panig naman ni Senator Chiz Escudero, hindi niya maunawaan kung bakit nagkukuripot si Diokno sa pag-i-invest sa ‘human capital’ ng bansa pero handang gastusan ng pagkalaki-laking pondo ang ‘flood control projects’ na hanggang ngayon ay wala namang epekto sa pagbabawas ng matinding pagbaha sa bansa.
Aniya, kung may dapat na silipin at repasuhin na alokasyon, ito ay ang pondo sa mga flood control.