Ilang senador, susulat muli kay Pangulong Duterte kontra sa planong itaas ang inaangkat na karne ng baboy at ibaba ang taripa nito

Muling magpapadala ng liham kay Pangulong Rodrigo Duterte si Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar at mga miyembro ng komite na sina Senators Imee Marcos, Nancy Binay at Francis “Kiko” Pangilinan.

Ito ay para hilingin sa Pangulo na huwag aprubahan ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na itaas sa 400,000 metriko tonelada ang kasalukuyang 54,000 na minimum access volume o dami ng aangkating karne ng baboy ngayong taon.

Kasama rin sa liham ang apela sa Pangulo na huwag din aprubahan ang rekomendasyon ng DA at National Economic and Development Authority (NEDA) na ibaba sa 5 hanggang 20 percent ang 30 hanggang 40 percent na taripa sa importasyon ng karne ng baboy.


Ang nasabing mga hakbang ay tugon sa pinsalang dulot ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Pero katwiran ng mga senador, sa halip na makatulong ay lalo nitong padadaapain ang lokal na industriya ng magbababoy.

Una nang sinabi ni Villar na 16 billion pesos ang posibleng mawala sa gobyerno kapag ibinaba ang taripa ng baboy at kapag naisakatuparan ang pag-angkat ng 400,000 metriko tonelada ng karneng baboy.

Giit pa ni Villar, sobra-sobra na ito dahil mismong Malacañang ang nagpahayag na 84,000 metric tons lang ang shortage o kakulangan sa suplay ng karneng baboy.

Facebook Comments