Ilang senador, tiwalang maitatawid pa sa 20th Congress ang impeachment case ni VP Sara Duterte

Naniniwala pa rin ang ilang senador na maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kabila na rin ito ng pahayag ni Senator-elect Tito Sotto na posibleng hindi na umubra sa susunod na Kongreso ang impeachment trial dahil may mga bagong myembro ng Senado ang papasok dagdag pa na iniurong ang schedule ng impeachment process sa June 11 mula sa June 2.

Ayon kay Senate Minority leader Koko Pimentel, maaaring gamiting analogy sa usaping ito ang court system.

Sa ilalim aniya ng 1987 Constitution, ang Senado ang impeachment court kaya ang Mataas na Kapulungan ay maihahalintulad sa isang korte.

Paliwanag ni Pimentel, at dahil korte ang turing sa Senado kapag impeachment, hindi dapat maapektuhan ng mga pagbabago ng myembro sa korte ang workload o docket ng impeachment court.

Makikita aniya ang prinsipyong ito sa lahat ng korte at electoral tribunals kung saan ang mga case dockets ay hindi nababago, hindi nababawasan o nare-reset sa zero kapag may pagbabago sa membership ng korte.

Giit pa ni Pimentel ang isasagawang impeachment proceeding ng Senado bilang impeachment court ay sui generis o unique o walang katulad.

Facebook Comments