Tutol ang ilang mga senador sa panawagan ng ilang mga kasamahang mambabatas na tuluyang paalisin sa bansa ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Naniniwala si Senator Bong Revilla na ang tuluyang pagpapasara sa POGO industry ay hindi solusyon sa mga isyu na karaniwan ay may kinalaman sa law enforcement.
Nanghihinayang si Revilla sa laki ng kikitain mula sa POGO kung basta-basta na lamang ipasasara ang industriya dahil sa kagagawan ng iilan.
Batay aniya sa pagtaya ng Department of Finance (DOF), maaaring makapagbigay ang POGO industry ng ₱50 billion – ₱70 billion na kita mula sa buwis para sa taong 2022 – 2023 kasunod ng implementasyon ng Republic Act 11590.
Para kay Revilla, ang dapat na ipasara na POGO ay iyon lamang hindi nagbabayad ng tamang buwis at lumalabag sa batas ng bansa.
Ganito rin ang sentimyento ni Senator Jinggoy Estrada na hindi dapat madamay ang mga kumpanya na legal at maayos na nagpapatakbo ng kanilang operasyon sa bansa.
Ang dapat aniyang habulin ng mga otoridad ay iyong mga iligal at hindi lisensyadong offshore gaming operators dahil hindi naman makatwiran kung pati ang mga tumatalima sa batas ay paalisin din.
Kung ipagpapatuloy aniya ang operasyon ng POGO sa bansa ay dapat na striktong ipatupad sa mga kumpanya ang pag-e-employ ng 70% na mga Pilipinong staff upang mabigyan ng trabaho ang mga kababayan.