
Hindi pabor ang mga senador na alisin ang tax privileges na ipinagkaloob sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ang banta ng mga pro-Duterte supporters sa ibang bansa na sususpindihin nila ang pagpapadala ng remittances dito sa Pilipinas.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, bilang isang mambabatas ay hindi niya babawiin ang ibinigay na tax privileges sa mga OFWs dahil sa kanila naman talaga ang pera at desisyon na ng OFW kung ano ang gagawin at paano ito gagamitin.
Aniya, itinuturing na “modern day heroes” ang mga OFWs hindi dahil sa nagpapadala sila ng pera sa bansa kundi dahil sila ay ehemplo ng isang masigasig, kayang magsakripisyo at mapagmahal sa pamilya gayundin sa bansa at sa lipunan.
Iginiit naman ni Senator Sherwin Gatchalian na marapat lamang hayaan ang mga OFWs na maihayag ang kanilang mga opinyon at sentimyento sa pamamagitan ng legal na paraan nang hindi natatakot na posibleng gantihan ng Kongreso.
Dagdag pa ni Gatchalian, ang remittances ng mga OFWs ang nakatulong para hindi bumagsak ang ekonomiya lalo na sa mga pagkakataong dumanas ng krisis ang bansa tulad ng pandemya.