Ilang senador, umaasang hindi tatanggalin ang confidential funds ng OVP at DepEd sa 2023 budget

Kung si Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara ang tatanungin, hindi niya nanaising alisin sa ilalim ng binubuo nilang 2023 proposed national budget ang confidential fund na inilaan para sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd).

Sa 2023 national budget, mayroong ₱500 million confidential fund ang OVP habang ₱150 million naman sa DepEd.

Para kay Angara, dapat mapanatili ang alokasyong pondo para sa dalawang ahensyang pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte upang makamit ang nais na reporma ni Pangulong Bongbong Marcos.


Aniya, ipinagkatiwala ng pangulo kay Duterte ang naturang pondo dahil nais ng punong ehekutibo na magtagumpay ito bilang isang mahalagang bahagi ng kanyang administrasyon.

Paglilinaw naman ni Angara, ito ay personal lang niyang pananaw at dadaan pa sa talakayan at botohan ng mga senador ang naturang usapin.

Una nang pinahayag ng senate minority bloc na isusulong nilang ma-realign ang CIF fund para sa mga tanggapan ng OVP, DepEd at iba pa anilang non-security agencies.

Facebook Comments