Ilang senador umaasang lalakas ang partisipasyon ng PHILHEALTH sa medical services ng bansa

Umaasa si Senator JV Ejercito na lalakas pa ang paghahatid ng health services matapos na desisyunan ng Korte Suprema na ibalik ng gobyerno ang P60 billion na pondo sa PhilHealth na unang inilipat sa National Treasury.

Ayon kay Ejercito, maituturing na “welcome” na pagtatama ang pagbabalik ng naturang pondo sa PhilHealth.

Mula pa aniya sa umpisa ay iginigiit na niya na ang pondong ito ay sa PhilHealth at hindi ito dapat tinawag na “excess funds” lalo’t kulang pa rin ang pondo para sa kalusugan.

Inaasahan ni Ejercito na magtuluy-tuloy ang pagtaas ng partisipasyon ng PhilHealth sa gastusing medikal dahil marami pa rin sa ating mga kababayang nangangailangan ang nabibigatan sa gastusin sa pagpapa-ospital.

Sinabi naman ni Senator Christopher “Bong” Go na ito ay hindi lamang malaking panalo kundi ito ay hustisya rin sa mga Pilipino partikular sa mga mahihirap na pasyente na napagkaitan ng sapat at maayos na serbisyong medikal.

Pinagtibay lamang din aniya ng desisyong ito ng Supreme Court na dapat laging inuuna ang kalusugan ng mga mamamayan.

Facebook Comments