Ilang senador, umaasang mareresolba pa ang multi-billion dollar na Makati subway project

Umaasa si Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Bong Revilla Jr., na maaayos at matutuloy pa rin ang multi-billion dollar na Makati subway system.

Ito’y matapos magdesisyon ang private developer ng proyekto na hindi na ituloy na gawin ang proyekto dahil sa ruling ng Korte Suprema na ilipat ang mga EMBO barangays sa lungsod ng Taguig na bahagi ng nasabing proyekto.

Nanghihinayang si Revilla dahil umaasa ang mga kababayan sa proyekto at umaapela siyang makahanap ng paraan ang Makati at Taguig na maisakatuparan ang proyekto.

Sinabi ni Revilla, posibleng ang maging roadblock o hadlang sa pagtuloy ng contractor sa proyekto na ito ay maaaring ang umiiral na kasunduan sa Makati ay may mga commitments na hindi naman magiging patas o makatwiran para sa Taguig.

Samantala, nilinaw naman ni Senator Alan Peter Cayetano na walang naging pagtutol ang lungsod ng Taguig sa nasabing proyekto at katunayan hindi nakunsulta ang lokal na pamahalaan ng lungsod at maging ang kanyang tanggapan sa naging desisyon ng developer.

Dagdag pa ni Cayetano, sinusuportahan niya ang mga railways at subways para mapahusay ang mobility ng mga tao at ito ay nakahanay sa vision ng pag-unlad na nais rin nila sa lungsod.

Facebook Comments