Ipinatitigil na ng ilang senador sa Department of National Defense (DND) ang pagpapa-aral sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa military academy ng China.
Kaugnay na rin ito sa naging pahayag ni Senator Francis Tolentino sa pagdinig kahapon ng Senado na may impormasyong ilang mga kadete at sundalo ang nag-aaral sa Beijing Military Academy.
Naalarma ang senador na bakit nag-aaral doon ang ating mga militar lalo na ngayong nasa gitna pa tayo ng patuloy na paglaban sa aksyon ng China sa pwersa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Iginiit naman ni Senador Tulfo ang agarang pagtigil sa pagpapadala ng mga sundalo sa China para doon mag-aral at magsanay.
Idiniin ng senador na malaking insulto at sampal sa bayan na nag-aaral sa China ang ating mga sundalo dahil nagkakautang na loob sa China ang ating mga military officer habang patuloy ang kanilang pambu-bully sa West Philippine Sea.
Punto pa ni Tulfo, marami namang ibang bansa na maaaring pagdalhan sa mga military official para doon mag-aral pero huwag lamang sa China na maaari silang maimpluwensyahan at mag-iba ang takbo ng utak.