Ilang senador, walang nakikitang rason para hindi bigyan ng vat refund ang mga turistang dayuhan

Walang nakikitang dahilan ang ilang mga senador para hindi ialok ng bansa ang VAT refund sa mga dayuhang turista.

Ayon kay Senator Chiz Escudero, karamihan sa mga bansa ay mayroong VAT refund sa mga foreign tourists at wala aniyang rason para hindi natin ialok ito para makahikayat ng mga turista na mamili sa Pilipinas.

Magkagayunman, nais ni Escudero na malinaw na mailatag ang mga rules upang maiwasan ang mga pangaabuso at ang posibleng tax leakages.


Inirekomenda rin ng senador na tingnan ang mga best practices ng ibang mga bansang nagpapatupad ng VAT refund para sa mga dayuhang turista at kung sakali ay magpatupad ng sistema sa VAT refund na aakma sa ating pangangailangan.

Kung si Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang tatanungin, “worth exploring” ang planong ito lalo na kung sa pagtagal ay makakahimok ang gobyerno ng mas malaking tourist spending para sa bansa.

Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, kung may legal na batayan naman na magpatupad ng VAT refund ay pwede at dapat na gawin ito ng bansa para mas makahikayat ng maraming dayuhang turista.

Facebook Comments