Monday, February 16, 2026

ILANG SENIOR HIGH SCHOOL STUDENTS, NAKIBAHAGI SA LAKBAY-ARAL SA ALAMINOS CITY

Nakibahagi sa isang lakbay-aral sa Alaminos City ang ilang Senior High School students bilang bahagi ng ENVIROTOURo Program na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman sa pangangalaga ng kalikasan.

Kabilang sa ikatlong batch ng mga benepisyaryo ang Grade 11 students ng Alos National High School.

Sinimulan ang kanilang learning tour sa MVC Techno Demo Farm kung saan kanilang pinasyalan ang Hundred Islands E-Kawayan Factory at nasilayan ang iba’t ibang produktong gawa sa kawayan.

Nagtungo rin sila sa IGMI-Eco Farm Project at Rabbitry Breeder/Multiplier Farm kung saan natutunan nila ang kahalagahan ng sustainable agriculture.

Sumunod nilang binisita ang Engineered Sanitary Landfill at nasaksihan ang wastong pamamahala ng basura, kabilang ang paggamit ng Black Soldier Flies, vermicast at soil conditioner, pati na ang paggawa ng eco-bricks na ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Bilang huling bahagi ng tour, nagtungo ang mga mag-aaral sa Mangrove Eco-Park kung saan natutunan nila ang iba’t ibang uri ng bakawan, tamang paraan ng mangrove potting, at ang mahalagang papel ng mga ito sa ekosistema.

Sa pamamagitan ng ENVIROTOURo Program, patuloy na pinalalalim ang kamalayan at malasakit ng kabataan sa kalikasan tungo sa makakalikasan at responsableng komunidad.

Facebook Comments