Damang-dama na ang malalim na pananampalataya sa lalawigan ng La Union ngayong Mahal na Araw habang naghahanda ang mga tanyag na simbahan sa pagdating ng mga deboto para sa tradisyunal na pagbisita sa mga banal na lugar.
Sa pagpasok pa lamang ng lalawigan, agad na bubungad sa mga biyahero ang Basilica Minore of Our Lady of Charity sa bayan ng Agoo.
Sa Lungsod naman ng San Fernando, sentro ng mga pagtitipon ang St. William the Hermit Cathedral na kilalang dinarayo ng mga deboto mula sa iba’t ibang lugar.
Hindi rin mawawala sa listahan ang tanyag na Namacpacan Church sa bayan ng Luna na dinadayo dahil sa milagrosang imahe ng Our Lady of Namacpacan, kung saan maraming mananampalataya ang taimtim na humihiling ng kagalingan at patnubay.
Bukod sa mga nabanggit, kabilang din sa mga inaasahang pupunuin ng mga deboto ang St. John the Baptist Parish sa Luna, Sts. Peter and Paul Parish sa Bauang, at St. Catherine of Alexandria Parish sa Aringay.
Maaari ring bisitahin para sa panalangin ang St. Francis of Assisi Parish sa Sudipen at St. Joseph Parish sa bayan ng Rosario.
Dahil sa dagsa ng mga mananampalataya, tiniyak ng mga parokya ang kahandaan ng bawat dambana upang maging maayos ang pagninilay ng mga bibisita.
Inaasahan ang mas marami pang deboto sa mga susunod na araw para sa mga tradisyunal na gawain tulad ng Visita Iglesia at iba pang aktibidad ng pagninilay.
Kasabay ng paggunita sa Semana Santa, muli namang ipinaaalala sa lahat ang pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan, at kaligtasan sa loob at labas ng mga dambana. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









