Para sa mga debotong Katoliko, isa itong banal na pagkakataon upang bisitahin ang pito o higit pang simbahan, manalangin, at muling pagtibayin ang ugnayan at pananampalataya sa Poong Maykapal.
Dito sa lalawigan ng Pangasinan, inaasahang muling dadagsain ang mga tanyag na simbahan na hindi lamang kilala sa kanilang malalim na kasaysayan kundi pati na rin sa angking ganda ng kanilang arkitektura.
Isa sa mga pangunahing pinupuntahan ang Minor Basilica of Our Lady of Manaoag.
Bukod sa karilagan ng dambana, baon ng mga bibisita rito ang masidhing pananalig kay “Apo Baket” na nakaukit na sa puso at kultura ng mga Pangasinense.
Tiyak ding hindi mawawala sa listahan ang San Fabian Parish Church sa bayan ng San Fabian.
Mula nang opisyal itong buksan noong 1768, patuloy itong hinahangaan ng mga deboto dahil sa malalim nitong kasaysayan at nakakaakit na disenyo.
Maaari ring dayuhin ngayong Mahal na Araw ang iba pang mga sagradong lugar gaya ng St. Hyacinth Parish Church sa San Jacinto, ang makasaysayang St. Peter and Paul Parish Church sa Calasiao, at ang Saint Vincent Ferrer Parish sa bayan ng Bayambang.
Sa gitna ng ating paggunita sa Mahal na Araw, nawa ay maging daan ang mga paglalakbay na ito upang mas mapatatag ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Maylikha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







