Nadagdagan pa ang petitioners laban sa Anti-Terrorism Law na kumukontra sa mosyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na humihiling na kanselahin ang oral arguments sa kontrobersyal na batas.
Kanina, naghain ang grupong BAYAN at ilang grupo ng Sangguniang Kabataan officers sa Korte Suprema sa pamamagitan ng e-filing ng kanilang joint opposition para kontrahin ang nais ng SolGen sa oral arguments.
Ayon sa petitioners, ang pagkansela sa oral arguments sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Law ay “disservice” sa publiko.
Anila, kaya namang maidaos ang oral arguments nang hindi nakokompromiso ang kalusugan ng mga sasali rito.
Nais din ng petitioners na maglabas ang Supreme Court ng Temporary Restraining Order o Writ of Preliminary Injunction laban sa Republic Act 11479.
Nitong Biyernes, naghain na “vehement opposition” ang Kabataang Tagapagtanggol ng Karapatan at iba pang grupo laban sa mosyon ng SolGen na humihiling nang kanselasyon ng oral arguments.
Una nang ikinatwiran ni Solicitor General Jose Calida ang COVID-19 pandemic kaya dapat ikansela ang oral arguments dahil maituturing itong mass gathering.