Ilang stratehiya para sa mabilis na paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Pepito, tinalakay ng NDRRMC

Pinag-aaralan ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang ilang stratehiya para sa mas mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga lubos na naapektuhan ng Super Typhoon Pepito at iba pang nagdaang bagyo.

Sa pulong ng Inter-Agency Coordinating Cell ng NDRRMC, ilan sa posibleng magamit ay ang 82 trucks na magdadala ng tulong.

Kabilang din sa mga opsyon ay ang paggamit ng air transport.


Magde-deploy rin ng roll-on/roll-off (RORO) vessels para sa agarang distribusyon ng mga relief goods.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Assistant Secretary Cesar Idio, kailangang bigyang iprayoridad ang paghahatid ng mga relief items patungong Tabaco, Albay upang agad na matulungan ang mga nasalanta ng bagyo.

Sa datos ng NDRRMC, 11 buhat sa 16 na bayan sa Catanduanes ang labis na naapektuhan ng Bagyong Pepito.

Sa Camarines Sur naman, higit 13,000 pamilya pa ang nananatili sa mga evacuation centers.

Sa Region II, partikular sa Cagayan, nasa 4,472 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa 314 evacuation centers at labis ding sinalanta ng pagbaha.

Ayon naman kay OCD Director Agnes Palacio, naglaan na ang pamahalaan ng mga shelter repair kits.

Kinakailangang maipamahagi agad ang mga ito upang mabuksang muli ang mga paaralan na nagsisilbing evacuation centers at upang matulungan ang mga pamilya na muling maitayo ang kanilang mga nasirang tahanan.

Facebook Comments