Cauayan City, Isabela- Dalawampu’t isang (21) sundalo ng 5th Infantry ‘Star’ Division ang pinarangalan ni LTGen Arnulfo Marcelo Burgos Jr PA, Commander ng Northern Luzon Command (NOLCOM) sa Headquarters ng 502nd Infantry Brigade na nakabase sa bayan ng Echague, Isabela.
Mula sa 21 na awardees, anim (6) ay nabigyan ng Meritorious Achievement Medal, siyam (9) na Gawad sa Kaunlaran at anim (6) na Military Merit Medal.
Ito’y dahil sa matagumpay na pag-dismantle o pagbuwag sa Komiteng Larangang Guerilla Quirino-Nueva Vizcaya noong taong 2020 na nagdulot ng malaking dagok at labis na nagpahina sa teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Lambak ng Cagayan.
Bukod dito, nakatanggap din ng Battle Streamers Award ang 86th Infantry Battalion, 95th Infantry Battalion, 17th Infantry Battalion, 5th Military Intelligence Battalion, at 5th Civil-Military Operations Battalion dahil sa pagkakaisa at pinagsamang pagsisikap upang tuluyang masugpo ang insurhensiya sa rehiyon.
Pinuri at pinasalamatan naman ni LtGen Burgos ang mga nabigyan ng parangal dahil sa kanilang kontribusyon sa kampanya kontra sa insurhensiya.
Inihayag din ng opisyal na magandang pondasyon ito sa hanay ng kasundaluhan sa pag-umpisa ng taon.
Ikinatuwa at nagpapasalamat din si MGen Laurence Mina PA, pinuno ng 5ID sa pagbisita at pagkilala ng NOLCOM Commander sa nagawa ng Startroopers at magsisilbi aniya itong inspirasyon ng mga sundalo upang lalong magpursige sa pagganap ng kani-kanilang tungkulin.