Ilang suspek sa pagpatay sa Chiong sisters, nakalaya na din – Sen. Lacson

File photo
Pinalaya na rin ang ilang suspek sa panghahalay at pagpatay sa magkapatid na Jacqueline at Marijoy Chiong sa Cebu noong 1997 dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, ayon kay Senador Panfilo Lacson nitong Biyernes.
Sa panayam kay Lacson nitong Biyernes, sinabi niyang iba ang nakapirma sa release papers ng mga suspek.
“Hindi mismong si Nicanor Faeldon ang nakapirma. Ang balita ko a certain Marquez ang nagpirma,” pahayag ni Lacson.

“Pero ang may authority magpirma ng release order ay ang director ng BuCor. Ngayon kung sino man ang pipirma na underling, subaltern or sinumang assistant doon, ang ultimate responsibility pa rin, ang director,” giit pa ng mambabatas.
Kamakailan, inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na maaring makinabang sa naturang batas ang pitong convicted murderer at rapist sa kaso ng magkapatid na Chiong. Kabilang din sa puwedeng makalabas ng kulungan si Francisco Juan “Paco” Larrañaga.
Kasalukuyang nakakulong si Larrañaga sa Spain sanhi ng Transfer of Sentence Agreement, dulot ng kaniyang dual citizenship.
Sa ilalim ng Republic Act 10592 na pinirmahan ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2013, mababawasan ang panahon ng pagkakabilanggo ng isang preso kapag nagpakita ng magandang asal sa loob ng selda.
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Mataas na Kapulungan hinggil sa pagpapatupad ng GCTA Law sa susunod na linggo. Ayon pa umano sa source ni Lacson, may perang katapat sa paglaya ng ilang mga bilanggo.

“So far ang nakikita natin, mga may kaya ang mga nare-release. Ang convict sa Chiong sisters, mga may kaya yan sa Cebu. Kay Antonio Sanchez may kaya definitely yan. Pagkatapos itong mga Chinese drug lords, siguradong may kaya,” saad ni Lacson.

Facebook Comments