Nakapagsumite na ng paliwanag ang 14 mula sa 20 tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) matapos maudlot ang debate nitong April 23 at 24, 2022.
Ayon kay COMELEC Commissioner Rey Bulay, kailangan niya ng isang linggo para mapag-aralan ang paliwanag ng mga tanggapan na may kinalaman sa paghahanda ng mga presidential at vice presidential debate.
Aniya, kabilang sa mga nagsumite ng paliwanag ay ang Office of the Executive Director; Office of the Deputy Executive Director for Administration; Bids and Awards Committee; Education and Information Department at Procurement Management Department.
Pagtitiyak ni Bulay, sa sandaling mailatag na niya ang kaniyang ulat at rekomendasyon ay agad niya itong isusumite sa COMELEC En Banc para maaprubahan ang magiging aksyon kaugnay ng nasabing isyu.
Matatandaang nag-ugat ang usapin matapos mabigo ang Impact Hub Manila na bayaran ang Sofitel Hotel na venue ng mga nakalipas na debate.