Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang trabaho sa ilan nitong tanggapan mamayang alas-3:30 ng hapon.
Ito’ y bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Kainang Pamilya Mahalaga Day kung saan nais ng Manila Local Government Unit (LGU) na magkaroon ng oras ang bawat empleyado nito na makapiling ang kanilang pamilya.
Matatandaan na sa ilalim ng Proclamation No. 326, idineklara ang ikaapat na Lunes sa buwan ng Setyembre kada taon bilang Kainang Pamilya Mahalaga Day para maipagdiwang ang kahalagahan ng pagsasalo-salo ng pamilya sa hapag-kainan bilang nakagisnan na tradisyon mg bawat pamilyang Pilipino.
Habang sa ilalim naman ng Proclamation No. 60, idineklara dito ang huling linggo sa buwan ng Setyembre kada taon bilang Family Week.
Magpapatuloy naman sa kanilang operasyon ang mga tanggapan at opisina tulad ng Manila Health Department, MDRRMO at Manila Department of Social Welfare para sa pagbibigay ng basic at health services gayundin ang vital services para sa mga residente sa lungsod.