
Iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang matataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang ang mga dating miyembro ng Bids and Awards Committee, pati ilang tauhan ng Quezon City BFP at NCR BFP.
Ito ay kaugnay ng mga alegasyon ng umiiral na kickback system sa bentahan ng mga fire extinguisher.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na bumuo na ang ahensya ng isang special task force upang imbestigahan at sugpuin ang umano’y katiwalian sa loob ng BFP.
Ayon kay Remulla, nakabili na ang pamahalaan ng 14,000 body cameras na ilalagay sa mahigit 10,000 fire inspectors sa buong bansa bilang bahagi ng reporma sa fire safety inspections.
May malinaw na patakaran na rin aniya sa mga inspeksyon. Bawat fire inspector ay kinakailangang magbasa ng standard script sa simula ng inspeksyon, at ang buong proseso ay dapat naka-record sa body camera.
Matapos ang inspeksyon, obligadong ipaliwanag agad ng inspector ang anumang paglabag sa Fire Code, habang mahigpit na ipinagbabawal ang pag-endorso kung saan bibili ng fire extinguisher.
Giit ng DILG, layunin ng mga hakbang na ito na tuluyang wakasan ang katiwalian at tiyaking patas, malinaw, at malinis ang fire safety inspections sa buong bansa.










