Ilang tauhan ng BuCor, nagsampan ng reklamo laban kay Bantag sa DOJ

Nagsampa ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang ilang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) laban sa suspendidong si Director General Gerald Bantag at iba pang opisyal.

Lima sa anim na tauhan ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan kasama ang kanilang abogadong si Atty. Mauricio Ulep ang personal na nagtungo sa DOJ para maghain ng reklamo.

Ayon sa abogado ng mga nagrereklamo, kasong slander, oral defamation, grave threats, grave coercion, paglabag sa RA 9745 (Anti-Torture Act) at Obstruction of Justice ang inihain ng kaniyang mga kliyente laban kay Bantag.


Bukod dito, isinama rin sa reklamo sina dating BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, dating Deputy Security Officer Superintendent Ricardo Zulueta at siyam na iba pang opisyal ng BuCor.

Paliwanag ng abogado, nangyari ang insidente sa mismong opisina ni Bantag noong March 2, 2020 kung saan hindi raw agad nakapag-reklamo ang anim na complainant dahil sa tinatakot at binantaan sila gayundin ang kanilang pamilya.

Sinabi pa ni Atty. Ulep, naglakas loob lamang silang lumantad matapos makipag-usap sa kasalukuyang opisyal ng BuCor.

Nag-ugat ang reklamo matapos paratangan ang anim na tauhan ng Iwahig na ibinulgar ang asset ng BuCor hinggil sa operasyon kontra iligal na droga pero hindi naman totoo.

Kwento naman ng limang nagrereklamo, personal silang sinaktan ni Bantag matapos papuntahin sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Facebook Comments