Nakatakdang magtungo ngayong araw ang ilang tauhan ng Department of Justice (DOJ) sa San Pablo City, Laguna Regional Trial Court.
Ito’y upang sampahan na ng patong-patong na kaso ang ilang mga pulis na sangkot sa pagkawala ng isang sabungero noong August 30, 2021.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mahaharap sa reklamong robbery at kidnapping ang isasampa sa tatlong pulis.
Kinilala ang mga ito na sina Police Staff Sergeant Darryl Paghangaan, Patrolman Roy Navarete at Patrolman Rigel Brosas.
Habang ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa dalawang iba pang pulis at ilan pang indibidwal na isinasangkot sa kaso.
Sa reklamo ng mga complainant na inihain sa DOJ noong buwan ng Abril, nasa 10 lalaki ang pumasok sa kanilang bahay saka sapilitang kinuha ang biktima na si Ricardo Ricafort Lasco na isang master agent ng online sabong.
Bukod sa pagdukot kay Lasco, ninakawan din raw ang mga complainant ng mga gamit na aabot sa milyong piso ang halaga.
Matatandaan na nitong December 1 ay nakipagdayalogo kay Secretary Remulla ang ilan sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Kaugnay nito, tiniyak ni Remulla sa pamilya ng mga biktima na gagawa siya ng paraan para mapabilis ang resolusyon sa mga inihaing reklamo sa DOJ kaugnay sa nasabing kaso ng mga nawawalang sabungero.