Nagsagawa ngayon ng pag-iikot ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan sa Maynila para i-monitor ang presyo ng mga Surgical at N95 mask.
Partikular na inukutan ng mga taga-bureau of permits ang bahagi ng Rizal Avenue mula remegio hanggang Bambang Street.
Isa-isang pinasok ng mga ito ang lahat ng tindahan ng mga medical supplies at napag-alaman nila na wala pa naman nagtataas ng presyo ng mga face mask.
Halos pare-pareho din ang presyo ng mga ibinebentang face mask kung saan pumapalo ito ng P50. 00 hanggang P60. 00 kada isang box na may 50 piraso.
Nasa P50. 00 naman ang halaga ng kada piraso ng isang N95 mask pero halos lahat ay naubusan na ng stock.
Ang iba sa mga tindahan ay dinadagsa ng mga mamimili pero nauubusan din sila ng stocks dahil karamihan ay bumibili ng bulto-bulto.
Nabatid na ang naturang hakbang ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay bunsod na din ng babala ni Mayor Isko Moreno na kakanselahin ang permit at kakasuhan ang mga nananamantala ng pagbebenta ng face mask sa kanilang lungsod.