Nag-ikot ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga barangay na isinailalim sa localized community quarantine bunsod na rin ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ito’y para masiguro kung naipapatupad ang mga inilatag na quarantine at health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Partikular na pinuntahan ng ilang tauhan ng Pasay Command Center, City Health Office at City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay ang Barangay 183 o Villamor Area na sa kasalukuyan ay nakapagtala ng 29 na kaso.
Ilan sa mga protocols na kanilang tiningnan ay ang paghihigpit sa mga papasok na hindi mga residente gayundin ang pagpapatupad ng curfew para sa mga kabataan.
Pinaalalahanan din ang mga residente na huwag kalimutan ang pagsusuot ng face mask, face shield at pairalin ang physical distancing habang pinaigting na rin ang contact tracing.
Nabatid na inilalagay sa localized lockdown ng Pasay Local Government Unit (LGU) ang isang kalye ng barangay kapag nakapagtala ang isang bahay ng tatlong positibong kaso kung saan bawat isa sa mga ito ay isasailalim sa swab test.
Sa kasalukuyan, nasa 435 na ang active cases sa lungsod ng Pasay at karamihan sa mga nadagdag na kaso ay magkakasama sa bahay habang 55 na barangay na rin ang isinailalim sa localized community quarantine.