Thursday, February 26, 2026

Ilang tauhan ng PCG, sibak sa pwesto dahil sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3

Pinatawan ng parusa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilan nilang tauhan kaugnay sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong nakaraang buwan.

Ito ay matapos ang imbestigasyon na isinagawa ng Coast Guard Inspector General–Internal Affairs Service.

Batay sa resulta ng administrative proceedings, sibak sa pwesto ang apat na enlisted personnel ng Pre-Departure Inspection (PDI) Team: PO1 Sabhal Turaini, PO3 Khalid Asmawil, PO3 Al-Yazar Muyong, at Mar-Iya Anawie.

Ito ay dahil sa pagkabigo nilang beripikahin nang maayos ang aktwal na bilang ng mga pasahero at tamang dokumentasyon.

Demoted naman si PO3 Jestoni Barretto na nagsilbi bilang Duty Officer Watch, habang one-year suspension without pay ang parusa kina Lieutenant Commander Tristan Jener Erediano at Lieutenant Jason Pagbonocan na nagsilbi bilang Station Commander at acting Station Commander ng Zamboanga.

Bukod diyan, pinasasailalim din sila sa mandatory retraining sa wastong pamantayan ng ship inspection, epektibong supervision ng PDI teams, at pamamahala sa operasyon.

Sinabi naman ni PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab na patunay ito na hindi nila kinukunsinti ang anumang paglabag sa mga pamantayan ng kaligtasan sa karagatan.

Hanggang ngayong araw na lamang ang underwater operations ng PCG Technical Diving Group.

Sa pinakahuling datos ng Coast Guard, 65 ang nasawi, 293 ang nakaligtas, at 14 ang nananatiling missing.

Facebook Comments