Muli na namang nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Bocaue, Bulacan ilang araw bago ang Bagong Taon.
Kabilang sa nakitaan ng paglabag ang tindahan na R.T. Sayo Fireworks, S.E.G. Sabel Fireworks, SR Castillo Fireworks, Elvie Navarro Fireworks, BJ D’ Firecrackers, CPM Fireworks, SRC Fireworks at Jelaiza Fireworks.
Ayon kay DTI-CPG Asec. Atty. Ann Claire Cabochan, binigyan ng notice of violation ang mga nasabing pwesto dahil walang Philippine Standard mark o safety mark ang ilang tindang pailaw at paputok habang yung iba naman ay may PS mark ng manufacturer pero bawal ibenta ang paputok dahil wala sa listahan ng DTI.
Matapos makumpiska ay agad itong sinelyuhan at kinumpiska para magamit bilang ebidensya.
Paalala ng DTI na huwag tangkilikin ang mga paputok at pailaw na walang PS mark dahil hindi tiyak ang kaligtasan sa paggamit nito.
Papanagutin naman ng DTI ang manufacturer kasabay ng nakitang paglabag.