
Dismayado ang ilang Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na maagang pumila sa payout site sa Quezon City Memorial Circle upang kunin sana ang kanilang P5,000 ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Madaling araw pa lamang ay mahaba na ang pila sa payout site, bitbit ang kanilang mga requirement.
Agad na napuno ng TNVS drivers ang validation area, kung saan may mga tauhan ng DSWD at local government unit (LGU) na nagbeberipika kung nasa listahan ang mga benepisyaryo.
Sa ngayon, may hiwalay na lugar para sa mga na-validate na ngunit hindi pa makakatanggap ng ayuda.
Isa na rito ang isang estudyante at Grab rider na alas-5 ng umaga pa pumila sa payout center, ngunit hindi pa siya maaaring makakuha ng ayuda dahil mamayang hapon pa ang kanyang schedule.
Ang isa naman ay hindi rin agad makakakuha ng ayuda dahil ang mga apelyidong nagsisimula pa lamang sa letrang “I” ang kasalukuyang tinatawag.










