Handang bitawan ng ilang transport group ang hirit nitong dagdag pasahe sakaling suspindehin ang excise tax sa langis at ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law.
Sinabi ito ni PISTON President Ka Mody Floranda sa panayam ng RMN Manila kaugnay sa isinagawa nilang kilos-protesta ngayong araw bunsod ng sunod-sunod na oil price hike.
Ayon kay Floranda, nananawagan sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpasa ng Executive Order upang suspindehin ang excise tax sa langis at ang pag-amyenda sa ilang probisyon sa Oil Deregulation Law.
Dagdag pa nito, maaari ring magpatawag ang punong ehekutibo ng special session sa kongreso upang talakayin ang mga naturang isyu.
Sakaling matupad ang kanilang panawagan ay hindi muna sila hihirit ng dagdag na singil sa minimum fare ng jeep ngunit patuloy nila itong tututukan.
Samantala, sinabi ni Pasang Masda President Ka Obet Martin sa panayam ng RMN Manila na aapela pa rin sila ng dagdag na singil sa minimum fare ng jeep kung magpapatuloy ang pagtaas ng oil products.
Paliwanag nito, humihingi sila ng rasonableng pagtaas na hindi gaanong makakasakit sa bulsa ng mga Pilipino.