Ilang transport group, hindi hihirit ng taas-pasahe sa jeep kahit talo na sa sunod-sunod na oil price hike

Hindi hihirit ng dagdag-singil sa pasahe ang mga jeep sa kabila ng sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo.

Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, sa P46 kada litrong presyo ngayon ng diesel, dapat ay P14 na ang pamasahe sa jeep.

Pero kahit talong-talo na sa kita ay nagpasya silang huwag magtaas ng pamasahe dahil nauunawaan nilang naghihirap ang lahat dahil sa pandemya.


“Pinag-uusapan yung pagfa-file ng increase, ako mismo’y tumututol dito. Huwag nating gawin, kawawa ang ating mamamayan, taghirap, panahon ng pandemya,” saad ni Ka-Obet.

“Ang pinakamaganda nating magagawa, siguro, ay humingi tayo ng subsidiya sa ating pamahalaan. Ano ang maitutulong niyo sa public transport para kami ay hindi na mag-file ng petition for fare increase para rin naman ito sa kabutihan ng ating mga driver at higit sa lahat ng mga commuters,” dagdag niya.

Maging si Piston National President Mody Floranda ay naniniwalang hindi napapanahong magpatupad ng taas-pasahe.

Pero apela niya kay Pangulong Rodrigo Duterte, ibasura ang Oil Deregulation Law at magpatupad ng price control.

“Sa ilalim po ng batas na ito, hindi naman po ito nakatulong bagkus ay lalo lamang nakapagpahirap sa sektor ng transportasyon at ng mamamayan dahil binigay ng gobyerno yung kanilang kapangyarihan sa mga oil company na sila na lamang ang magtakda ng [pagtaas pagbaba],” ani Floranda.

Facebook Comments