Kinumpirma ng Korte Suprema na naghain ng Petition for Certiorari with application for a Temporary Restraining Order ang ilang transport groups kontra sa umiiral na “No Contact Apprehension Program” ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay Supreme Court Spokesman Atty. Bryan Keith Hosaka, partikular na naghain ng petisyon ang mga grupo ng KAPIT, PASANG MASDA, ALTODAP, at ACTO.
Kabilang sa respondents sa petisyon ang Manila Local Government Unit (LGU), Quezon City, Valenzuela City, Paranaque City, Muntinlupa City at ang LTO.
Sa kanilang petisyon, kinukuwestiyon ng petitioners ang ordinansa ng mga nabanggit na lokal na pamahalaan hinggil sa NCAP.
Inatasan naman ng Korte Suprema ang respondents na maghain ng kanilang komento sa loob ng sampung araw.