Friday, March 27, 2026

Ilang tsuper ng jeep, hindi na sumali sa tigil-pasada sa Pasay City ngayong araw

Wala nang pangkain ang ilang jeepney driver dito sa southern part ng Metro Manila kaya minabuti nilang mamasada na lang at hindi na sumama sa tigil-pasada ngayong araw.

Ayon sa jeepney driver na si Roberto Ricano, bukod sa hindi siya nakakuha ng ayuda ay wala rin naman siyang mapapala kapag sumama sa tigil-pasada.

Aniya, hindi na aabot sa ₱300 ang kinikita niya sa araw-araw kaya’t kailangan niyang magdoble-kayod.

Si Mang Edwin Briones, papasada na lang din lalo na’t hindi rin ito nakakuha ng ₱5,000 na cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mas maigi na aniyang mamasada kaysa naman magutom ang kanyang pamilya.

Ngayong araw ang ikalawang araw ng ikinasang tigil-pasada ng grupong Piston at Manibela.

Ayon sa grupo, posibleng masundan pa ang kanilang tigil-pasada pagkatapos ng Holy Week kapag walang solusyon ang gobyerno sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Facebook Comments