Sinimulan na sa lungsod ng Maynila ang limited face-to-face classes sa ilan pang mga unibersidad.
Kabilang dito ang National University (NU) para sa kanilang nursing at medical technologist program.
Sa pahayag ni Edison Ramos, Philippine Association of Medical Technologist (PAMET) North Luzon Regional Director at Program Chairperson – Department of Medical Technology ng NU, pinaghandaan nila ito para matiyak ang maayos at ligtas na limited face-to-face classes sa gitna ng banta ng COVID-19.
Bago mapayagan ang limited face-to-face classes ng NU ay dumaan sila sa pagsunod ng requirement ng Commission on Higher Education (CHED), Department of Health (DOH) at Manila Local Government Unit (LGU).
Sa limited face-to-face classes ng MedTech program sa NU, mayroong dalawang classroom sa umaga at dalawa sa hapon kung saan ay labindalawang estudyante lamang kada kwarto ang papayagan.
Ang lahat ay kinakailangan magsuot ng disposable PPEs, at kailangang sumunod sa protocol mula sa pagpasok sa gate, changing room at laboratory room.
Apat na araw ang pasok sa limited face-to-face classes at pagkatapos nito ay mayroon silang sampung araw na online class.
Tiniyak naman ni Ramos na bago at pagkatapos ng mga klase ay magsasagawa ng disinfection na parte ng safety measures laban sa COVID-19.
Matatandaan na bukod sa NU, una nang pinayagan ng lokal na pamahalaan ang face-to-face classes sa ilang unibersidad para sa medical at health-related programs tulad St. Jude College, Emilio Aguinaldo College at University of the Philippines (UP-Manila).