Ilang unibersidad, inamin na malaking problema nila ang red-tagging sa mga estudyante

Inamin ng University of the Philippines-Visayas na malaking problema na kinahaharap ng kanilang mga estudyante ngayon ang red-tagging.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni UP-Visayas Legal Office Chief Atty. Nellie Jo Aujero-Regalado na hindi nila masyadong problema ang mga naaresto o nasawing militanteng estudyante na sumali sa mga local communist terrorist group kundi mas nagiging problema nila ang red-tagging sa kanilang mga mag-aaral.

Ayon kay Aurejo-Regalado, kahit hindi naman miyembro ng mga komunistang grupo ang mga UPV student ay nakararanas ang mga ito ng diskriminasyon at harassment.


Aniya, mayroon kasing imahe na kapag UP student ay itinuturing na identified sila bilang komunista at terorista.

May mga pagkakataon aniya na hinaharang ang kanilang mga estudyante at tinatanong kung taga-UP ang mga ito kaya naman nais nilang maprotektahan ang kanilang mga mag-aaral laban sa harassment at red-tagging.

Umapela rin ang UP-Visayas sa Senado na kailangan nila ng tulong ng Kongreso partikular sa budget sa edukasyon para maisulong ang mga batas at mga polisiya na sumusuporta sa mga educational institutions sa pagbibigay proteksyon sa kanilang mga estudyante habang tinitiyak ang paggalang sa kanilang mga karapatan.

Facebook Comments