Humihiling ngayon ng city-wide academic break ang student councils ng iba’t ibang unibersidad sa Baguio city.
Sa exclusive interview ng RMN Manila, sinabi ni Mystica Rose Angelica, presidente ng Supreme Student Council ng Saint Louis University – Baguio Campus na ito ay dahil sa nararanasang pagod physically at mentally ng mga estudyante.
Pero sa kabila nito, nilinaw ni Angelica na ang kanilang apela ay bago pa man makapagtala ng ilang kapwa nilang estudyante na nagpakamatay.
Iginiit din ni Angelica na hindi lamang ang kanilang unibersidad ang humihiling ng academic break na hindi pa napagbibigyan dahilan upang magkasundo sila ng iba pang university student councils na umapela na sa local government ng lungsod.
Una rito ay naglabas ng pahayag ang SLU at sinabing ang mga “unverified” na impormasyon ukol sa mga insidente ng self harm sa mga estudyante ang mas naghimok sa student council na humiling ng academic break.