Personal na ininspeksyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang ilang vaccination sites sa lungsod ng Maynila.
Ito’y para masiguro na maaayos at walang problema ang ikinakasang pagbabakuna lalo na ang pagtungo ng mga residente sa mga vaccination site.
Ilan sa mga inikutan ni Gen. Eleazar ay ang Sta. Ana Elementary School at Rafael Palma Elementary School.
Ikinalugod naman ng PNP Chief ang organisadong proseso ng pagbabakuna at isa na rito ang pagsunod sa inilatag na patakaran na no walk-in policy.
Nabatid na agad na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagbibigay ng stub o number sa bawat barangay na siya naman mamahagi nito sa mga residenteng nagparehistro para magpabakuna.
Matatandaan na unang napasugod sa Araneta Coliseum si Gen. Eleazar matapos dumagsa sa nabanggit na lugar ang ilang indibidwal na nagbabasakaling mabakunahan na rin kontra COVID-19 kung saan nagawa naman ng mga otoridad na makontrol ang sitwasyon.