Ilang Vendor sa Primark Palengke, Nananawagan kaugnay sa Sunod-sunod na Insidente ng Pagnanakaw

Cauayan City, Isabela- Nananawagan sa kapulisan ang isa sa mga biktima ng pagnanakaw sa pribadong pamilihan sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ating panayam kay Ginoong Edwin Pestaño,62 years old, businessman, may asawa, residente ng brgy. San Fermin, sunod-sunod aniya ang insidente ng pagnanakaw sa palengke kung saan nanakawan din aniya ito ng isang smartphone sa kanyang pwesto na nagkakahalaga ng P15,000.

Sa salaysay ng biktima, pagkatapos nitong mananghalian kahapon ay nagtungo ito sa pwesto ng kanyang kapatid subalit nang siya ay makabalik sa kanyang pwesto ay nabatid nito na nawawala ang kanyang cellphone na iniwang naka-charge sa istante.

Nakatago naman aniya ito ng maigi subalit hindi pa rin nakaligtas sa kamay ng mga suspek. Batay naman sa kuha ng CCTV Camera sa pwesto ng biktima, isang babae at lalaki na may kalakihan ang katawan, moreno at nakasuot ng kulay itim at puting damit ang nakitang pumasok at dumekwat sa smartphone ng biktima.

Ayon pa kay Pestaño, posible aniyang minanmanan siya ng mga suspek dahil lagi itong umaalis sa pwesto at dati nang iniiwan ang cellphone.

Kaugnay nito ay hiniling ni Pestaño sa mga alagad ng batas na araw-arawin ang pag-iikot sa palengke para maiwasan ang mga posibleng binabalak ng mga kawatan.

Paalala naman nito sa iba pang nagtitinda sa palengke na mag-ingat at huwag basta basta nagtitiwala sa mga customer dahil maaari umanong nagpapanggap lamang ang mga ito at kumukuha lang ng tyempo para makapagnakaw.

Facebook Comments