Ilang website at FB pages na nagsasagawa pa rin ng E-sabong, pinatatanggal na ng PNP sa DICT

Pinate-take down na ng Philippine National Police ang 14 na websites at 8 Facebook pages na na-monitor nilang nagsasagawa pa rin ng ilegal na online sabong.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PNP Spokesperson at PCol. Jean Fajardo na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Information & Communications at sa pamunuan ng Facebook para matanggal ang nasabing illegal websites.

Sa ngayon ani Fajardo, hinihintay na lamang nila ang immediate response ng mga kinauukulan.


Samantala, simula noong pinasuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng E-sabong ay wala nang namo-monitor ang Pambansang Pulisya na offsite betting station.

Ani Fajardo, magmula noong Mayo 3 ay kusa namang nagsara ang mga betting station.

Matatandaang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng E-sabong kahit na nakakakolekta ang gobyerno rito ng P650 million na kita kada buwan dahil sa masamang epekto nito sa mga tumatalpak at dahil na rin sa sunod-sunod na pagkawala ng mga sabungero.

Facebook Comments