ILEGAL | Grupong Kadamay, hindi papayagan ng PNP na okupahin ang mga bahay sa Montalban, Rizal

Montalban, Rizal – Hindi papayagan ng Rodriguez Police na maka-okupa ng kahit isang unit ng bahay ang mga miyembro ng Kadamay sa housing project para sa AFP, PNP and BJMP sa Barangay San Isidro, Rodriguez Rizal.

Ayon kay Rodriguez Chief of Police Superintendent Pablito Naganag, binalaan na niya ang mga ito na huwag nang tangkaing pumasok pa sa mga bahay dahil aarestuhin sila ng pulisya dahil sa trespassing.

Sa ngayon hahayaan muna sila ng mga otoridad na manatili sa loob ng compound pero mahigpit silang babantayan.


Sa panig ng Kadamay, hinihintay nila ang pagdating ng kanilang lider na si Gloria Arellano.

Nanindigan pa rin sila na hindi aalis sa housing project hangga’t hindi maukupahan ang housing units.

Una nang sinabi ni National Housing Authority representative Christopher Guevarra na malabo ang balak ng militanteng grupo dahil lahat ng housing units ay okupado na at hinuhulugan kada buwan.

Nagbanta din ang mga residente na hindi nila papayagan magtagumpay ang ilegal na gawaing ito ng grupong Kadamay.

800 housing units na ang awarded habang mahigit isandaan units ang hindi pa okupado dahil nakadestino pa ang mga ito sa Marawi City.

Nagpadala na ng dagdag na puwersa ang Rodriguez Police para tumulong sa pagpapanatili ng seguridad sa loob at paligid ng La Soladaridad Homes Estate sa San Isidro, Montalban, Rizal.

Facebook Comments