Manila, Philippines – Mahigit 20 mga pedicab at tricycle ang hinihila ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) dahil sa patuloy na pamamasada ng ilegal sa lungsod ng Manila.
Ayon kay MTPB Chief Dennis Alcoreza ang kanilang ginagawang paghahatak sa mga tricycle at pedicab ay bunsod na rin ng sangkaterbang reklamo sa kanilang tanggapan na namamasadang ilegal bukod sa sumisingil ng sobra sobra lampas sa itinadhana na minimum na pamasahe sa Manila.
Paliwanag ni Alcoreza na seryoso ang Manila City Government sa kanilang kampanya tungkol sa mga ilegal na namamasada sa lungsod ng Maynila bukod pa sa naniningil ng mataas na pamasahe na inirereklamo ng mga pasahero.
Giit ng opisyal na bilang na ang mga araw ng mga pedicab driver at tricycle driver na nagsasamantala sa mga ordinaryong mamamayan bukod pa sa kulurom ang kanilang mga ipinapasada ay mataas pa kung maningil ng pamasahe.
Umapila rin si Alcoreza sa publiko na agad isumbong sa kanilang tanggapan kapag mayroon silang nalalaman na mga driver ng pedicab at tricycle na nanamantala sa mga pasahero at sobrang taas kung maningil ng pasahe.