
Natuklasan sa pagdinig ng Senado na namamayagpag pa rin hanggang ngayon ang e-sabong, na itinuturing na iligal sa bansa.
Ito ay matapos iprisinta ni Senator Raffy Tulfo sa joint hearing ng Committee on Games and Amusement ang real-time livestreaming ng isang online sabong na pwede pang tayaan, habang ipinakita naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang e-sabong website na kahapon lang ay active pa pero nakatigil na ngayon—posibleng dahil sa epekto ng pagdinig ng Senado.
Sinita ni Tulfo kung bakit hindi napapahinto at nahuhuli ang mga nasa likod ng e-sabong gayong alam naman ng mga law enforcement agencies ang operasyon nito.
Tinukoy ng senador na ang livestreaming ng e-sabong ay pag-aari umano ng isang kingpin o gambling lord sa Central Luzon, na aktibo pa rin noong nakaraang taon.
Pinangalanan ni Tulfo ang mga operator: sa Region 3 at Region 4, Pineda ang apelyido ng operator, habang sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa Abra ay Bernos ang apelyido.
Giit ni Tulfo, ang nahuhuli lamang ng mga awtoridad ay mga maliliit na sugal na may taya, tulad ng tupada, cara y cruz, at tong-its, samantalang ang mga bigtime operators ay hindi nahuhuli dahil sa laki ng kanilang pangalan.
Nangako naman si CICC Excutive Director Renato Aboy Paraiso na maipapa-take down nila ngayong araw ang naturang website.










