ILEGAL NA PAGAWAAN NG PAPUTOK, NABISTO SA DAGUPAN CITY; TATLO ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON

Dalawang magkahiwalay na operasyon ang isinagawa ng pulisya sa Dagupan City laban sa ilegal na paputok, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong indibidwal bilang bahagi ng pinaigting na seguridad ngayong papalapit ang pagsalubong sa bagong taon.

Sa unang operasyon, bandang alas-otso ng gabi noong Nobyembre 27, ikinasa ang isang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation Unit at Police Station 2 sa Barangay Bacayao Norte, ang parehong lugar kung saan naitala ang isang pagsabog na ikinasawi ng dalawang katao noong araw ng pasko.

Nasabat sa aktuwal na transaksyon ang bentahan ng tatlong bundle ng kwitis na tinatayang nasa 300 piraso, matapos ibenta kapalit ng ₱2,100 na marked money.

Matapos ang pagkakaaresto, nagsagawa ng follow-up search ang mga awtoridad kung saan nasamsam ang iba’t ibang kemikal, pulbos, at kagamitang ginagamit sa paggawa ng paputok, na indikasyon ng operasyon ng ilegal na pagawaan sa lugar.

Samantala, isa pang entrapment operation ang ikinasa ng Police Station 6, katuwang ang CIU, sa parehong gabi sa Sitio Silungan, Barangay Bonuan Binloc.

Sa operasyon, nasamsam ang iba’t ibang uri ng ipinagbabawal at delikadong paputok, kabilang ang super dark bomb, whistle bomb jumbo, C2 bomb, at iba pang kahalintulad na uri.

Dinala ang tatlong indibidwal sa Dagupan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at haharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7183.

Patuloy namang pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na makipagtulungan at iwasan ang ilegal na paputok upang maiwasan ang disgrasya, sunog, at pinsala ngayong holiday season. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments