ILEGAL NA PAGAWAAN NG PAPUTOK SA DAGUPAN, IPINASARA

Ipinasara ng Dagupan City Police Office ang isang ilegal na makeshift firecracker manufacturing site sa isang liblib at abandonadong lote sa lungsod noong gabi ng Nobyembre 24, matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen.

Sa pangunguna ng Dagupan City Police Office–Police Station 2 at ng Western Pangasinan Provincial Explosive Ordnance Disposal Unit, narekober sa lugar ang mga delikadong materyales tulad ng Black, Yellow-Green at White Powders, mga nagawang paputok, at iba’t ibang kagamitan sa paggawa.

Agad itong isinailalim sa safe inventory at custody ng EOD personnel bago isumite sa Crime Laboratory para sa pagsusuri.

Ayon sa DCPO, mahalaga ang operasyon lalo na’t papalapit ang panahon ng kapaskuhan kung kailan tumataas ang banta ng aksidente mula sa ilegal na paputok.

Nilinaw din ng PNP na ang tagumpay ng operasyon ay bunga ng pakikipagtulungan ng publiko sa pagbibigay ng impormasyon.

Hinihikayat naman ng Dagupan City Police Office ang mga residente na patuloy na maging mapagmatyag at agad mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Facebook Comments