Nagsagawa ng follow-up inspection noong Huwebes, Enero 8, sa Sitio Buboaya, Barangay Prado ang lokal na pamahalaan ng Umingan matapos makitang may ilegal na nagtatapon ng manure o dumi ng hayop mula sa isang manukan.
Dahil dito, agad na naglabas ang tanggapan ng Sanitary Order sa isa sa mga poultry farm sa bayan kinabukasan, Enero 9.
Bukod dito, nag-inspeksyon din ang Monitoring Committee sa iba pang poultry farms sa mga barangay ng Casilan, Fulgusino, Ricos at Santa Rosa upang tiyakin na malinis ang paligid at sumusunod sa batas.
Alinsunod sa Municipal Ordinance No. 1, S-2025, layon ng aktibidad na panatilihing malinis ang kapaligiran ng poultry at piggery farms at magbigay ng parusa sa mga lalabag.
Ayon sa tanggapan, hakbang ito para protektahan ang kalusugan ng komunidad at maiwasan ang polusyon sa bayan.









