Iligal na droga, nakakalusot pa rin sa Bilibid; paggamit ng condom at kalapati sa pagpupuslit ng shabu, inihayag sa pagdinig

Inamin ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gregorio Catapang Jr., na nakakalusot pa rin ang iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sinabi ni Catapang na aabot sa 200 gramo ng shabu na katumbas ng P2 million ang kanilang nakumpiska mula sa isinagawang inspeksyon sa Bilibid.

Aminado si Catapang na malaking problema pa rin nila ang iligal na droga kung saan nauuso ngayon ang paglalagay ng shabu sa condom at ipinapasok umano ito sa maselang bahagi ng babae na bibisita sa kulungan.


Hindi naman aniya nila magawang kapkapan ang mga babaeng bumibisita sa persons deprived of liberty o PDLs dahil maaari naman silang makasuhan sa human rights.

May bago ring modus ngayon sa Bilibid kung saan ang pinakahuli ay ang paggamit ng kalapati.

Ayon kay Catapang, may mga bisita na may dalang itlog at i-incubate ng PDL at makalipas ang ilang buwan mapipisa ito, palalakahin at doon na tuturuang maglipad-lipad sa bilangguan.

 

Kapag malaki na aniya ang kalapati ay saka ito ibabalik ulit sa bisita at pagkatapos babalik ang kalapati na may iligal na droga.

 

Dahil sa mga ganitong pamamaraan ng pagpupuslit ng shabu ay umapela si Catapang sa Senado na kailangan nila ng mga kagamitan na medyo may kamahalan para masawata ang patuloy na paglaganap pa rin ng iligal na droga sa Bilibid.

Facebook Comments