Ibinulgar ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang isang “kulto” sa Socorro, Surigao del Norte na siyang nasa likod ng mga rape, sexual violence, child abuse at child marriage sa lugar.
Sa privilege speech ni Hontiveros, inilahad niya ang isang people’s organization sa munisipalidad na tinaguriang “Socorro Bayanihan Services” na kilala noon sa pagsusulong ng bayanihan hanggang sa nagbago na simula noong 2017.
Sinabi ni Hontiveros na nag-umpisa ang kulto sa isang 17 taong gulang na bata na ginroom na maging susunod na tagapagligtas o Messias at ito ay sa katauhan ni Jey Rence Quilario.
Nang maturuan aniya ito paano tumindig at magsalita ay idineklara ng komunidad si Jey Rence na reincarnation ni Senyor Santo Niño at dito na nagsimula ang kapanganakan ni Senior Agila pati na ang mga pang-aabuso nito.
Ipinakita rin ng mambabatas ang mga testimonya ng mga menor de edad na nakaranas ng pang-aabuso sa kulto.
Aniya pa, ang pera ng kulto ay mula sa 50 percent ng natatanggap na 4Ps benefits at senior citizen pension – pati na mula sa iba pang social assistance – ng mga miyembro.
Pero may impormasyon na malaking bahagi ng funding source ng kulto ay mula aniya sa droga at batay sa mga sources, ang komunidad ay ginagamit na “human shield” para pagtakpan ang kanilang iligal na gawain.
Aabot naman sa mahigit 1,000 mga kabataan ang nagpasaklolo sa senadora.
Nanawagan si Hontiveros sa mga kapwa senador na tumulong para tuluyang mailigtas sa panganib ang mga menor de edad na hawak pa ng kulto.